Philippines
This article was added by the user . TheWorldNews is not responsible for the content of the platform.

BOC sinampolan ng smuggling mga importer sa Bulacan raid

Sinampahan na umano ng kasong agricultural smuggling ng Bureau of Customs (BOC) ang mga importer ng bigas sa sinalakay na bodega sa Bulacan kamakailan.

Sinabi ni Atty. William Balayo, acting director ng BOC Legal Service, apat na kaso ng agricultural product smuggling ang isinampa ng ahensiya laban sa mga hindi pa pinangalanang mga importer ng bigas.

“Ang particular factual backdrop po nito, ito po iyong mga ni-raid noong August 24 sa Bulacan and pardon me po kung hindi ko mapapangalanan iyong mga akusado. Nonetheless po, we are happy to state that ito pong pinaylan (file) po namin ng cases. Tatlo po dito ay iyong economic sabotage,” pahayag ni Balayo sa isang news forum na ginanap sa Quezon City nitong Sabado, Setyembre 30.

Sa tanong kung bakit hindi agad sinampahan ng kaso ang mga suspek sa pagpupuslit ng bigas sa bansa, sinabi ng BOC na binigyan muna nila ng pagkakataon ang mga sangkot upang patunayan na legal ang isinagawang importasyon upang magkaroon din sila ng due process sa batas.

Tatlo umano sa mga isinampang kaso ang itinuturing ng BOC na large-scale agri smuggling habang hindi naman umabot ang isa pang kaso sa P10 million threshold kung kaya’t ibinaba ito sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act subalit swak pa rin sa agricultural product smuggling.

Samantala, nagsasagawa pa umano ang BOC ng case build-up para sa pagsasampa rin ng kaso laban sa mga smuggler sa Zamboanga City kung saan mahigit 42,000 sako ng puslit na bigas ang nasamsam ng mga awtoridad.

Matatandaang ibinigay na bilang donasyon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga nasamsam na bigas upang ipamudmod sa mga mahihirap na Pilipino. (Dolly Cabreza)